image

INUDYUKAN ni Davao Rep. Karlo Alexei Nograles ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maging transparent upang kakitaan ng sinseridad sa pagkikipagnegosasyon sa gobyerno.

Giit ng kongresista sa MILF, “lay all their cards on the table to erase all doubts on their sincerity in negotiating peace with the government.”

Ayon sa mambabatas, ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at ng gobyerno ay maaaring malagay sa balag ng alanganin matapos aminin ni MILF Vice-Chairman Mohagher Iqbal na hindi nito ginamit ang tunay na pangalan nang lumagda sa sa kasunduan na siyang nagtulak upang mabuo ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ang pag-amin na ito ni Iqbal ay lalo lamang magpapadagdag ng pagdududa sa sinseridad ng MILF sa pagtataguyod nito sa BBL.

“Now that it has been revealed that Mohagher Iqbal is not a real name proves that the signing of the peace agreement started on the wrong foot. Just like Oplan Exodus started on the wrong foot,” ani Nograles.

Inamin ni Iqbal sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety at House Committee on Peace, Reconciliation and Unity na marami siyang pangalang ginagamit at kahit aniya ang kanyang pasaporte ay hindi Mohagher Iqbal ang nakasulat ngunit batid aniya ito ng Depatment of Foreign Affairs (DFA) dahil maraming beses na siyang naglabas-masok ng Pilipinas.

Binatikos din ni Nograles ang pag-amin ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na sa pagdinig niya lamang nabatid na iba ang tunay na pangalan ni Iqbal.

“This runs counter to the statement of GRP peace negotiator Miriam Coronel Ferrer who earlier said that government has always known that Mohagher Iqbal is not his real name. So which is which? Did our government peace negotiators know or did they not know? Ang alam ko si Secretary Deles mas nauna pa sa negotiating table kaysa kay Prof. Coronel-Ferrer,” paliwanag ni Nograles.

Pinuna rin ni Nograles ang aniya’y kawalan ng katiyakan sa pahayag ni Justice Sec. Leila de Lima na kung ang paggamit ng alyas sa kasunduan ay magpapawalang bisa dito.

Kinuwestyon din ni Nograles kung bakit hindi Salah Jubair ang ginamit ni Iqbal sa kasunduan gayung ito ang pangalan na ginamit niya sa kaniyang libro na “The Long Road to Peace: Inside the GRP-MILF Peace Process,” at “Bangsamoro: A nation under endless tyranny.”

Ito aniya ang dahilan kung bakit may batas ukol sa paggamit ng alyas lalo na sa paglagda sa mga public documents upang matukoy ang tunay na layunin ng isang tao na pumapasok sa kasunduan.

Advertisements