image

Habang nalalapit ang pagpanaog sa kapangyarihan ni Pa­ngulong Noynoy Aquino, dumarami ang mga maling desisyon na magtatanghal sa kanya bilang pa­ngulong matigas ang ulo kaya napapahamak sa mata ng bayan.

Matindi ang galit niya sa Korte Suprema dahil sa pagbabasura ng DAP. Patuloy niya itong ipinagtatanggol sa harap ng bayan sa halip na huminto matapos sabihin na karapatan niya ang maghain ng motion for reconsideration. Ang DAP ay malapot na putik na kinulapol ni PNoy sa sariling katawan.

Hindi sapat na katuwiran na ginagamit niya ang DAP para sa kapakanan ng bayan. Lahat ng ginagastos ng bayan ay dapat nakalaan sa budget o General Appropriations Act. Ang DAP ay sala­ping naipon ng maraming ahensya ng pamahalaan.

Mula pa noong unang taon ng kanyang panunungkulan, pinagbawal niya ang paggamit ng savings na ito, ilang bonus at iba pang pakinabang ng mga ahensya ng pamahalaan na nag-impok nito. Tama ang utos.

Baka nga naman inaatraso ng mga nasabing ahensya ang pagpapatupad ng mga proyekto nila para lamang makaipon ng sapat na halaga na ipinamamahagi sa mga opisyal at kawani ng nasabing ahensya sa panahon ng Pasko. Paano nga naman ang mga ahensya na walang savings dahil, una maliit ang budget at pangalawa ginagamit nila ang budget sa pagpapatupad ng maraming proyekto? Ang nangyari, inipon ni PNoy ang nasabing savings para magkaroon ng ma­laking halaga ang Disbursement Acceleration Program.

Dapat ibalik ang kuwarta na buwis ng bayan sa National Treasury. Walang sinumang makakagastos nito dahil wala ito sa budget. Mas tama pa na gamitin ito ng ahensya na nakapag-impok dahil ang savings ay mula sa budget. Inaaway ngayon ni Pangulong Aquino ang Korte Suprema sa pagdedeklara na labag sa Saligang Batas ang DAP. Para raw ito sa kabutihan ng bayan. ‘Di ba alam namin iyon.

Pero paano naman ang batas na nagsasabi na walang sinuman sa pamahalaan ang makakagastos ng salapi o buwis ng bayan na hindi nakalaan sa budget? Hindi na papansinin dahil para sa kabutihan naman ng tao ginagamit? Mali iyan sa sistemang demokrasya. Wala sa kapangyarihan ng Pangulo na labagin ang Saligang Batas. Ang tungkulin niya ay ipatupad ito. Hindi salungatin sa ano mang dahilan.

Lumalabas ngayon na nagkamali si Pangulong Aquino sa pagpili kay Maria Lourdes Sereno bilang Chief Justice. Sa kasong DAP, hindi kinampihan ni Mrs. Sereno ang Pangulo na naglagay sa kanya bilang Punong Mahistrado. Kaya na­ging unanimous ang boto.

Hindi magbabago ang desisyon ng Korte kahit sumalungat ang Chief Justice. Nag-iisa siya. Kung sumalungat, maipapaki­ta niya sa Pangulo ang kanyang katapatan hindi lamang sa tungkulin. Maraming paraan ang Korte na palabasin na ang baluktot ay tuwid. Walang makakatutol dahil sa demokrasya, ang mali ng Korte ay nagiging batas.

Dalawa ang problema ni Pangulong Aquino sa bagay na ito. Una, matagal ng napansin ng bayan na hindi kaya ni Mrs. Sereno na makuha ang pakisama ng mga kasamang mahistrado sa kagustuhan niya. Hindi siya pinakikisamahan. Ikalawa ang mayorya sa Korte — 11 yata sila ay pili ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Tapos na termino ni PNoy, nasa tungkulin pa rin ang mga mahistradong pili ni GMA. Kampi silang lahat sa dating pangulo. Dahil natalo si PNoy sa kasong DAP galit siya ngayon sa Korte. Inaaway. Bakit hindi niya sisihin ang Chief Justice sa kawalan niya ng kakayahan na pumanig ang mga kasama sa pagtatanggol ng DAP?

Ang tingin ngayon ng maraming tao, hindi iginagalang ni Pangulong Aquino ang pasiya ng Korte Suprema. Mara­ming pagkakataon sa nakaraan na sinabi ni PNoy na susundin niya ang desisyon ng Korte. Hindi na dapat pang sabihin. Wala siyang paraan na hindi sumunod. Bakit hindi siya sumunod sa desisyon sa DAP? Dahil siya mismo ang nagkamali. Nakakatakot ang ganyang takbo ng pag-iisip. Para bang sinasabi niya na hindi siya magkakamali kung ang ginawang desisyon ay para sa kabutihan ng bayan.

Kung ang ganitong pag-iisip ang masusunod hindi na siya magkakamali. E, bakit pa tayo nagkaroon ng Korte Suprema na magpapasiya kung ano ang kahulugan ng batas? Ang pa­ngulo ay nagpapatupad ng batas. Hindi siya o ang kanyang kagustuhan ang batas.

Advertisements