Aquino pinagbibitiw dahil sa ‘palpak na operasyon’ sa Mamasapano

By Macky Macaspac

image

Kasabay ng kontrobersiyang nilikha ng operasyon ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao, nanawagan ang grupong Suara Bangsamoro na imbestigahan ang posibilidad na sangkot ang tropang Amerikano sa nasabing operasyon. Suara Bangsamoro

Pinagbibitiw ng iba’t ibang progresibong grupo si Pangulong Aquino matapos ang madugong operasyon ng  Special Action Force  (SAF) ng Philippine National Police (PNP) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Ayon sa mga grupong Anakbayan, Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), mistulang “Pontio Pilato” si Aquino sa talumpati niya sa telebisyon noong Enero 30.

Naghugas-kamay umano ang Pangulo sa kanyang pananagutan sa operasyong ikinamatay ng 44 miyembro ng SAF  matapos makasagupa ng mga ito ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang breakaway group ng MILF na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Kasalukuyang may ceasefire ang gobyerno ng Pilipinas at MILF matapos makipagkasundo para sa pampulitika at pang-ekonomiyang awtonomiya ng kalupaang Bangsamoro na maisasakatuparan sa pagpasa ng Senado ng Bangsamoro Basic Law.
Binatikos din nila ang di-pagpunta ni Aquino sa Villamor Air Base sa Pasig City para salubungin ang pagdating ng labi ng 44 nasawing commandos. Pumunta ang Pangulo sa pagbubukas ng isang car plant sa export processing zone sa Sta. Rosa, Laguna.
‘Hugas-kamay’

Ayon sa mga progresibong grupo, sa live telecast message ni Aquino ay binaybay lang niya ang mga operasyon kontra sa diumano’y mga terorista mula 2002 hanggang nitong nakaraang linggo. Sinabi din niya na hindi lahat ng pagkakataon ay ipinapaalam sa kanya ang mga operasyon.

Pero binanggit niya na may ugnayan sila ni dating SAF Director Police Director Getulio Napeñas Jr.
“Sa paulit-ulit kong pagpapaalala sa pangangailangan ng koordinasyon, ang isinagot po sa akin ng direktor ng SAF, ‘Yes Sir.’ Ang sabi lang niya, kailangan din ng operational security, o ang pagsigurong ang dapat lang makaalam ang masasabihan ukol sa operasyon. Gayumpaman, idiniin kong kailangan pa ring ialerto ang ibang mga sangay o ang kanilang mga hepe; kailangan nasa tamang oras ang abiso, at kumpleto ang impormasyon, para makapaghanda nang maayos,” sabi ni Aquino.

Ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, pagpapakita ito na mahina ang liderato ni Aquino at hindi lang simpleng koordinasyon ang naging problema.

Sabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, ipinangangalandakan ng pangulo na ang malaking operasyon ay nakatuon sa paghain at pag-aresto sa dalawang terorista, kahit pa ito’y may malaking implikasyon sa proseso ng usapang pangkapayapaan.

“Hindi nga niya maipaliwanag kung bakit hindi alam ni Sek. Mar Roxas at PNP Chief Espina ang operasyon, pero sinabi niya na ipinaliwanag sa kanya ni Gen. Purisima ang masalimuot na plano,” ani Reyes.

Dagdag pa ni Reyes, na ibinunton lang ni Aquino ang sisi sa PNP-SAF. “Maaaring clueless at gross incompetent siya, o talagang hindi siya nagsasabi ng totoo,” sabi ni Reyes.
“Sa halip na aminin ang kanyang responsablidad sa pagkamatay ng 44 na PNP commandos, pinili pa ni Aquino na ipakitang wala siyang kinalaman sa operasyon,” sabi naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Hindi raw kapani-paniwala ang mensahe ni Aquino at nais lamang nitong iligtas ang sarili, kasama ang malalapit sa kanya na matataas na opisyal ng gobyerno at kapulisan sa anumang pananagutan.
Panawagan naman ng Suara Bangsamoro na magkaroon ng independiyente at credible investigation hinggil sa labanan.

“Iniwasan ni Pangulong Aquino ang command responsibility. Mahirap na tanggapin na lamang ng basta-basta na tagumpay ang operasyon laban sa Jemaah Islamiya dahil wala namang makapagkumpirma kung napatay nga sila o kung nandoon nag sila sa lugar,”sabi ni Amirah Lidasan, tagapangulo ng Suara Bangsamoro.
Nababahala rin ang Suara sa epekto ng labanan sa mga sibilyang Moro.

“Dapat na may managot, hindi lang ang hepe ng SAF, dapat pati hepe ng buong PNP at mismong si Pangulong Aquino,” ani Lidasan.
Tropang Amerikano sangkot din?

Bukod sa palpak na operasyon, kinukuwestiyon din ng militanteng mga grupo ang presensiya ng mga tropang Amerikano na nakuhanan ng mga larawan at video footage na kasama sa retrieval and rescue operations.

“Isinawalang bahala ni Aquino ang posibleng interbensiyon o pagmamando ng US sa insidente. Sabi niya, wala pa raw siyang impormasyon hinggil doon. Truly incredulous, especially for a nation’s leader,” ani Kabataan Rep. Terry Ridon.
Sabi naman ng Communist Party of Philippines (CPP), isinakripisyo raw ni Pangulong Aquino at matataas na opisyal ng PNP ang mga pulis na napatay sa labanan para sa kampanyang war on terror ng US.

Ayon sa CPP, lumalabas na may direktang kinalaman ang US sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao laban sa dalawang terorista na may pabuyang US$7 Milyon.

“May malakas na batayan para maniwalang pakana ang palpak na operasyon ng matataas na opisyal ng rehimeng Aquino sa tulak ng militar ng US. Matagal nang pinangungunahan ng militar ng US sa Pilipinas ang intelligence and combat operations para mahuli sina Marwan at Usman,” sabi ng CPP.

Anito, pinakilos din ng militar ng US ang AFP para magbagsak ng smart bombs sa Jolo, Sulu na unang sinabi ng AFP na siyang pumatay daw kay Marwan noong Pebrero 2012. Mga sibilyan at lider-relihiyoso ang nasawi sa naturang pagbomba.

Idinagdag pa ng CPP na posibleng may mga tropa ng Amerikano na kasama sa aktuwal na operasyon.
“Mga puwersang militar ng US ang isa sa pinakaunang nagpadala ng assets sa lugar para kilalanin kung kasama sina Marwan o Usman sa mga nasawi sa patayan. May lumutang ding impormasyon hinggil sa posibleng pagkasama ng mga sundalong Amerikano bilang isa sa mga nasawi, at unang tunguhin ng militar ng US sa pagdating sa agarang pagdating sa lugar ay para kunin ang nasawing mga sundalong Amerikano,” sabi pa ng CPP.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=33518

Advertisements